Quiboloy camp ‘may tampo’ kay Digong?

Thursday, May 19, 2016




Umalma ang kampo ng isa sa masugid na tagasuporta at pinakamalapit na kaibigan ni incoming President Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy, pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, dahil sa kawalan ng konsultasyon sa mga ginagawang paghahanda sa papasok na administrasyon.
Kahapon ay binasag na ng kampo ni Quiboloy ang mahigit isang linggong pananahimik matapos manalo sa pampanguluhang halalan si Duterte dahil sa anila ay hindi nito pagkonsulta kay Pastor sa ilang mahahalagang bagay kagaya ng kaliwa’t kanang appointment ng mga bubuo ng gabinete nito.
Sa pamamagitan ng isang programa sa istasyon ng radyo (Sonshine Radio) na pag-aari ni Quiboloy ay hayagang binatikos ng anchor na si Mike Abe ang mga nakapaligid kay incoming President Duterte.
“Itinatago ng mga tao kay Pastor (Quiboloy) si Mayor. Halos putulin na ng mga tauhan ang komunikasyon kay Pastor,” pahayag ng anchor.
Sina Duterte at Quiboloy ay halos tatlong dekada nang magkaibigan at nagkaroon din ng mahalagang papel si Pastor para makumbinsing tumakbong pangulo ng bansa ang noo’y atras-abante sa pagkandidato na si Duterte.
Sa tulong ni Quiboloy ay nairaos nang matagumpay ni Duterte ang kanyang kampanya dahil sinuportahan siya nito. “Pero sa nangyari ngayon hindi siya kinonsulta, hindi siya sinali, walang alam si Pastor sa mga inanunsyo ni Mayor sa cabinet at sa selection process,” himutok pa ng kampo ni Quiboloy.
“Nakakalungkot dahil hindi ito inaasahan, dapat ay may konsultasyon sa mga kaibigan sa mga totoong tao,” komento pa ng kampo ni Quiboloy.

No comments:

Post a Comment

 
Copyright © 2016. World News Portal.

Creative Commons License